Tuesday, 31 December 2013

Pangalan



May mga pangalang sa baol hinukay,
Mayroong kinuha sa mga nahimlay,
Pangalan ay bago,sariling imbento.
Pangalan ng tao, pareho ng aso.

Pangalang ibinigay ni ama’t ina,
Pag-asa ay kinabit sa tawag nila.
Mayroon namang iba, dina nag-isip,
Kinuhang basta na lang sa uso’t ihip

Kung noon pangalan katambal ay dangal,
Walang katumbas ano mang yamang hiyas,
Ngayon pangalan ay ating nabibili.
Sa bawat puri katumbas ay salapi

Ikaw mismo ano ba  ang pangalan mo?
Nabubuhay kaba sa katawagan mo?
Pangalan mo bay kay inam at bigat?
Mahirap dalhin, kahulugan ay salat.


Monday, 23 December 2013

Panghihina


Pag-laki nila ay kay bilis,
ang oras ko'y numinipis,
ang ihip ng hangin ay salikuran,
tinutulak sa dalampasigan.


Pag tanda ay di na mapipigilan,
sakit ng likod ay nararamdaman,
unti-unting panlalabo ng mga mata,
sa maghapon, mayroong iniinda.


 

Saturday, 2 November 2013

Kulungan




Magandang pangarap ang puhunan natin,
Gabing nag iisa,bawal ang iyakin.
Inip na kinakaya, walang aatras..
lalaya na, sa darating na bukas.

Kung bihag ngayon, tayo ay walang sala.
May mga pag-ibig , kasing umaasa.
Di bale nang tayo’y manlamig,magtiis,
Kung bukas, sinta nama’y hindi tatangis

Kulungan nati’y iba-iba ang anyo
Paligid na ginto, iba naman ay tanso.
Walang rehas o posas ngunit bilanggo.
Sikil ang damdamin nitong ating puso.

Konting araw na lang at magkakasama ,
Ngunit panandalian  ang pagkikita,
Pagkat sa kulungan ito na ang buhay,
Sa pag-iisa, kayo’y magtatagumpay.

Monday, 14 October 2013

Pagmumuni-muni



Kung ang ulap ay aking mga pangarap,
Sa tayog nito’y kay hirap makalap.
Ipahubog sa hangin at laging tingnan,
Mag lalaho na lang ng walang alinlangan.

Kung daloy ng ilog ako’y padadala,
Mapadpad kaya ‘ko sa dakong ligaya?
At kung sa laot naman ito papunta,
Kalaliman nito’y maabot ko kaya?

Anong bituin ang kaya kong gapusin,
Ng tanikala kong sa haba ay bitin.
May paroroonan ba ang pagpapagal,
Wala pa..wala na..di lang makaangal.

Saan sisibol ang mga bagong punla?
Kung ito’y nahagis sa tigang na lupa.
Hindi sanay sa hirap ang mga bisig,
Gutom, sakit at sa gabi'y manlalamig.

 



Wednesday, 25 September 2013

Inip ng Magulang



Batang paslit ay nangungusap,
hanap ay sagot sa pangarap,
magulang ay di mahagilap,
karununga'y sa alapaap.

Batang paslit ay naglalaro,
nanginginig 'pag napapalayo,
lumalaking laging masaya?
lungkot sa kalinga ng iba.

Ano ba ang nasa puso mo?,
anak na hindi ko mapangko,
bangit ba ang salitang Ama?
o larawan ko'y limot mo na?

Bunsong giliw kamusta ka na?
Ina'y narito't uuwina,
Sa kwento mo'y sabik na sabik,
sa yakap mo'y gusto ang higpit..


Monday, 23 September 2013

Unang Pagsulat



Sa unang titik na aking ipipinta,
maging malugod sana sa mga mata,
Sa mga unang salitang babangitin,
Larawan, ang sa puso ay uukitin.

Sa bawat pangungusap na umaagos,
sahurin ng pang-unawa lalo't kapos
Sa paghahabi ng mga talinghaga,
akma naman, lalo't sa mga nabasâ

At saking paglalahad ng mga kwento,
maging matyaga sana ang mga kwago.
sapagkat sa bawat nobelang pinino,
may mga insektong pwedeng maiiprito.