Friday, 1 August 2014

Isang Dosenang Taon

Lampas na Mahal, sa daliri ng kamay,
Ang ligayang sa aki'y iyong inalay,
Isang dosenang rosas sa bawat taon,
ang mga halimuyak ng bawat panahon.

Sa bawat araw na ako'y lumalakbay,
Ala-ala mo ang laging umaakay,
Isang dosenang kendi sa bawat taon,
ang lagkit at tamis na iyong pabaon.

May mga oras na ako'y pagod at lito,
Ang tinig mo hirang, saki'y umaalo,
Isang dosenang awit sa bawat taon,
ang humahalina sa bawat pagbangon.

Sa mga pagkakataong puso ay manhid,
nagtiwala sakin at 'di nag pabulid,
Isang dosena na mga tangis at tampo,
paglalambing at yakap ang siyang pumuno.


Muli isang dosena ako'y bibilang,
pag-ibig laging bago, ubod sumisilang,
Lakbayin ang dati o bukas susulong,
Kasama ka sa lahat ng mga hamon.


Sunday, 16 February 2014

Tahanan

Nasaan ang ating tahanan?
Dito sa piling n'yo lamang,
Wala 'to sa bahay na bato,
o kaya'y malaking palasyo.

Dito kayo sa aking tabi,
mga minamahal kong iwi,
kayo'y aking papangkuhin,
hihinga lang ako ng malalim.

Ano ang halaga ng buhay,
diba kayo?, tangan ang kamay.
Kapaguran walang saysay,
basta kasamang naglalakbay.

Halika na't huwag mangamba,
papalaot tayong masaya.
Gagayak tayong papalayo,
pangarap walang maglalaho.

Thursday, 13 February 2014

Ganid

Ano ang sapat,
sa ating lahat?
Laging may kulang,
walang hangganan

Mahabang tali,
sa ati'y maikli.
Ubos ang oras,
buhay ay kupas.

Anong ligayang,
mahahanap pa?
kung naiisip,
ay laging kudlit

Ngiti ay kapos
kung walang kalos.
Laging tuldukan
ang kayamanan.

Sunday, 2 February 2014

Birthday



Sa aking kaarawan ako’y nanalangin.
Nawa ang pamilya namin lalong pagpalain
Kapayapaan sa puso, maging mapagkalinga
Mapagbigay at maglingkod sa kapwa,

Sa araw na ito ang aking pagsilang,
Matupad ko sana mga pangarap nila
Maging mapagmahal sa Diyos at sa Kapwa.
Panalangin ni Ama’t  Ina, noong akoy bata pa.

Sa araw na ito nadagdagan ang taon,
Bilang ng daliri ay kulang sa ginugol na panahon
Palad ko naway maging laging bukas
At huwag laging mangamba  sa darating na bukas

Sa pagsibol ng umaga, ay pasasalamat.
Panibagong hamon lakas ipang tatapat
Uban ay nadagdagan, lalong humusay
Mga oras at lakas sa halaga ilulustay.